Aktibong kaso ng COVID-19 sa Valenzuela, malaki na ang ibinaba

Bumababa na ang bilang ng COVID-19 active cases sa Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, mula sa 1,200 cases sa kasagsagan ng implementasyon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) simula noong Marso ay bumaba na sa 177 ang active cases sa lungsod.

Ipinagmalaki ni Gatchalian na ang epektibong pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lungsod ay bunsod na rin ng ipinatutupad na ‘no home quarantine’ policy ng lokal na pamahalaan.


Paliwanag ng alkalde mula unang araw na malamang positibo sa impeksyon ang isang residente ay hindi pumapayag ang lokal na pamahalaan na pauwiin sila sa bahay at sa halip ay dinadala ang mga ito sa kanilang isolation units.

Wala rin aniyang pinipili na edad, kasarian at estado sa buhay basta nagpositibo ay diretsong dadalhin sa kanilang isolation area para doon magpagaling at sumailalim sa gamutan.

Lahat ng gastusin para sa treatment ng mga residenteng positibo sa COVID-19 ay sagot ng lokal na pamahalaan.

Facebook Comments