Aktibong pulis, arestado dahil sa kasong trafficking at illegal recruitment

Nasakote ng mga operatiba ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP – IMEG) ang isang aktibong pulis matapos masangkot sa qualified trafficking at syndicated illegal recruitment.

Kinilala ang suspek bilang isang police corporal na dinakip sa loob mismo ng Bocaue Municipal Police Station, base sa warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) sa Pasay City.

Ayon kay IMEG Director PBGen. Bonard Briton, dalawang babae ang nabiktima ng pulis at mga kasabwat nito na nagpanggap umanong mga recruiter ng isang agency.

Pangako ng grupo ang trabaho abroad kapalit ng mahigit P100,000 bayad sa placement fee, visa, at pamasahe.

Pero imbes na ipadala sa ibang bansa, dinala ang mga biktima sa isang massage parlor sa Pasay kung saan pinilit silang magbigay ng sexual services habang tinatakot.

Sinabi ni Briton na non-bailable ang mga kasong isinampa laban sa pulis.

Dagdag pa ni Briton, bahagi ito ng puspusang internal cleansing ng Pambansang pulisya laban sa mga tiwaling pulis upang maibalik ang tiwala ng publiko.

Facebook Comments