Aktor sa Italy, nanatiling naka-quarantine sa bahay kasama ang bangkay ng kapatid sa gitna ng coronavirus outbreak

Luca Franzese. IMAGE: Screenshot from Facebook video

Dumulog sa social media ang Italian actor na si Luca Franzese matapos pumanaw ang kapatid niyang babae na kasama niyang naka-quarantine sa bahay dahil sa coronavirus outbreak.

Sa serye ng mga video na ini-upload ng aktor sa Facebook, sinabi niyang hindi niya alam ang gagawin sa bangkay ng kapatid na si Teresa na namatay noong Sabado.

“I have my sister here in bed, dead. I don’t know what to do, I can’t honor her as she deserves because institutions abandoned me,” saad niya sa isang video noong Linggo, base sa salin ng New York Post.


Ayon kay Franzese, Sabado nang gabi pa siya tumatawag sa awtoridad, ngunit walang dumadating na tulong.

Wala rin umanong funeral home na pumapayag na ilibing ang bangkay ng kanyang kapatid.

Bagaman may epilepsy, malusog umano ang 47-anyos na si Teresa bago makaranas ng sintomas ng coronavirus at bawian ng buhay, ayon sa Al Jazeera.

Nasuri lamang din ang babae at nalamang positibo noong pumanaw na, sa pagpupumilit ni Franzese.

Si Teresa ang isa sa 800 kataong nasawi sa higit 12,000 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Italy.

“I self-isolated myself. Today, I could go anywhere to spread the virus if I have it because I gave my sister mouth-to-mouth to keep her alive and no one cared,” ani Franzese.

“Guys, we are ruined, Italy abandoned us, let’s support each other. I beg you to spread this video everywhere — make it go viral,” pakiusap niya.

Nakarating naman sa mga opisyal ang nag-viral na video at tinulungang humanap ng funeral service para sa kanyang kapatid.

Tumanggi ang unang funeral home na nilapitan, ngunit isa sa lugar ang nakapanood din ng video at pumayag na ilibing ang bangkay ni Teresa.

Facebook Comments