Aktres at vlogger na si Alex Gonzaga, nabiktima ng snatcher sa Makati City

Arestado ang isang snatcher matapos hablutin ang cellphone ng aktres at vlogger na si Alex Gonzaga sa Brgy. Guadalupe Nuevo, Makati City.

Ayon kay Makati Sub Station 7 Commander PCapt. Edison Mabaet, nasa loob ng sasakyan ang aktres nang tangayin ng tatlong suspek ang cellphone nito sa Northbound ng EDSA Makati malapit sa Phoenix Gasoline Station.

Hawak umano ng assistant ng aktres ang cellphone nito para sana kunan ng larawan ang isang billboard sa EDSA nang hablutin ito ng mga suspek bandang alas-4:00 ng hapon kahapon.


Agad na hinabol ng driver ng aktres ang mga supek. Tumulong na rin ang mga nagpapatrolyang pulis na nagresulta sa pagkaka-aresto ng isa sa mga suspek

Sa kabila nito, hindi narekober sa suspek ang cellphone ng aktres kaya nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad kung saan narekober ang gamit ng aktres.

Nabatid na ibebenta na sana ang cellphone ng aktress na nagkakahalaga na halos 80,000 nang marekober ito ng mga awtoridad.

Ayon kay Capt. Mabaet, agad din pinalaya ang suspek dahil hindi na nagsampa ng reklamo ang aktres matapos na marekober ang cellphone nito.

Facebook Comments