Akusasyon na binawasan ang mga nakumpiskang shabu sa Alitagtag, Batangas noong April 15, pinabulaanan

Muling nilinaw ni Interior Secretary Benhur Abalos na walang naging dagdag-bawas sa mga nakumpiskang iligal na droga sa ginawang raid sa Alitagtag, Batangas noong April 15.

Ito ay kasunod ng pagdududa ng marami dahil sa nabawasan na timbang at halaga ng mga shabu na naharang sa checkpoint.

Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Abalos na bago pa man matapos ang imbentaryo ay estimated pa lamang na dalawang tonelada ang nakumpiskang shabu at na humigit kumulang 13 billion pesos ang halaga.


Malinaw aniya na wala pang pinal na halaga at timbang kaya walang nangyaring anumalya sa mga nakumpiskang iligal na droga.

Kalaunan, nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na nasa 1.4 tonelada lamang ang nakuha at may kabuuang halaga na ₱9.68 billion.

Sinabi naman ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang kasamahan ng suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments