Akusasyon ng Karapatan Cagayan Valley laban sa Militar, Binuweltahan ng 5th ID!

*Cauayan City, Isabela- *Iginiit ni Major General Perfecto Rimando Jr., ang Commanding General ng 5th Infantry Division, Philippine Army na walang katotohanan ang mga pahayag ng Karapatan Cagayan Valley na umano’y lumalabag sa karapatang pantao ang militar sa kanilang isinasagawang operasyon sa mga piling bayan.

Aniya, hindi umano patas at iisa lang ang tinitignang anggulo ng Karapatan CV dahil hindi umano nila binibigyang pansin ang mga nangyayari sa panig ng militar gaya ng pagkamatay ng mga ito sa mga nagaganap na digmaan laban sa mga New People’s Army (NPA).

Sa panayam naman ng RMN Cauayan kay Ms. Jackie Valencia ng Karapatan Cagayan Valley, mayroon umano silang mga natatanggap na impormasyon sa mga residente na pinupuntahan ng mga kasundaluhan na lumalabag umano sa karapatang pantao.


Kamakailan ay bumisita ang Karapatan CV sa Bgry. Sta. Isabel, Jones, Isabela upang kumustahin ang kalagayan ng mga residente nito dahil mayroon umano silang natanggap na impormasyon na gumagawa ng hindi tama ang militar sa kanilang mga binabantayang lugar.

Hinimok naman ni Major General Rimando Jr. ang Karapatan Cagayan Valley na magsampa ng kaso laban sa militar hinggil sa kanilang paratang upang mapatunayan ang kanilang akusasyon.

Samantala, Patuloy lamang ang kanilang isinasagawang support program para sa mga sumusukong miyembro ng NPA kaya’t hinihikayat rin ngayon ni Major General Rimando Jr. ang lahat ng mga kasapi ng NPA na bumaba na lamang sa bundok at sumuko sa pamahalaan upang makasama ang kanilang naiwang pamilya at matamasa ang mga programang inilaan ng gobyerno para sa mga sumusukong rebelde.

Facebook Comments