Akusasyon ng Karapatan Cagayan Valley sa mga Militar na Umano’y Lumalabag sa Karapatang Pantao, Pinabulaanan!

*Cauayan City, Isabela- *Hinamon ng mga militar ang Karapatan Cagayan Valley na mag-file ng kaso upang patunayan ang mga inilabas na akusasyon laban sa mga kasundaluhan na umano’y lumalabag sa karapatang pantao.

Sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan sa mga kinatawan ng 502nd Brigade na si Sgt. Gilbert Tadiuan at Sgt. Cliford Soriano ng Civil Military Operations (CMO) Battalion ng 5th ID, kanilang pinabulaanan sa programang Sentro Serbisyo kaninang umaga na walang katotohanan ang mga akusasyon ng Karapatan CV na may mga kinuhang magsasaka at ginawang guide ang mga militar para sa kanilang operasyon.

Kanilang iginiit na wala umano silang nilalabag sa karapatang pantao dahil numero uno umano nilang isinaalang-alang ang kanilang respeto sa mga sibilyan kung sila man ay magsasagawa ng operasyon.


Dahil dito ay mariing hinamon ng mga militar ang Karapatan Cagayan Valley na magsampa ng kaso laban sa kanila upang mapatunayan ang kanilang mga inilalabas na akusasyon.

Ayon pa sa mga militar, kontra umano ang Karapatan CV sa mga sundalo kaya’t malakas ang kanilang loob na siraan ang mga militar.

Matatandaan na naglabas ng pahayag ang Karapatan Cagayan Valley na umano’y may mga kinuhang magsasaka ang mga militar upang gawing guide sa kanilang isinasagawang operasyon sa bayan ng Jones, Isabela habang kinukuhanan umano nila ng mga litrato ang ilang mga magsasaka sa bayan ng San Guillermo, Isabela.

Facebook Comments