
Ginisa ng mga senador si dating DPWH-Bulacan Assistant District Engineer Brice patungkol sa alegasyon nito na may ghost flood control projects at tumatanggap ng komisyon sa mga proyekto sina Senator Jinggoy Estrada at Senator Joel Villanueva.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, pinanindigan ni Hernandez na nagbigay sila ng kickback kina Estrada at Villanueva base na rin sa utos ng kanilang boss na si dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara.
Gayunman, wala namang maipakitang ebidensya si Hernandez na magdidiin sa dalawang senador maliban sa kuhang larawan ng “disappearing messages” na una na ring ipinakita sa naging pagdinig ng Kamara.
Ipinakita naman ni Villanueva kung gaano kadali gumawa ng pekeng account at disappearing messages na pagmukhaing sila ang kausap ng mga taga-DPWH.
Maging ang contractor na si Sally Santos ng SYMS Construction Trading ay tinawagan umano ni Hernandez ngayong buwan at sinabihan siyang huwag munang magsasalita at idiin si Alcantara at sabihing napupunta ang bahagi ng kickback kay Rep. Zaldy Co.
Muli ring ipinakita ni Hernandez sa pagdinig ang larawan ng pera na nasa mesa sa kanilang opisina sa Bulacan kung saan sinabi niyang si Alcantara ang nahagip na putol na larawan.
Sa patong-patong na pera na nasa mesa tinukoy din ni Hernandez na P16.5 million dito ay para kay Usec. Mitch Cajayon.
Sa kabilang banda, inihayag ni Hernandez na handa niyang ibalik ang lahat ng mga nakuha mula sa mga kickback ng flood control projects kabilang ang mga mamahaling sasakyan, relo at handa rin niyang ipabukas ang kanyang mga bank accounts.









