LAHORE, Pakistan — Sinadyang pakawalan ng bantay sa isang sagradong lugar ang alagang leon na umatake sa lalaking humihingi ng sahod kamakailan lang.
Sasampahan ng kasong tangkang pagpatay ang bantay na si Ali Raza kaugnay ng insidenteng naganap noong Setyembre 9, sa Punjab.
Ayon sa ulat, kinuha ang biktimang si Mohammad Rafique, electrician, para magtrabaho sa isang proyekto sa lugar.
Nang matapos, bumalik siya kay Raza para hingin na ang sahod ngunit nagdahilan umano ang bantay na wala pang hawak na pera kaya pumayag si Rafique na bumalik sa ibang araw.
Matapos ilang ulit na nagpapabalik-balik, kinompronta na ng electrician si Raza pero imbis na magbigay ng kaukulang sahod ay pinakawalan ng bantay ang alagang leon.
Nagtamo ng mga kalmot at kagat sa mukha at mga braso si Rafique na nailigtas lamang noong may mga dumaan na nakarinig sa kanyang mga sigaw.
Matapos magamot ang sugat, bumalik ang biktima kay Raza para muling singilin ng sahod–at karampatang danyos sa pinsalang dulot ng pag-atake.
Pumayag umano si Raza, pero naulit ang katwirang wala pa siyang hawak na pera, at gaya rin noon, sumang-ayon naman si Rafique na babalik na lang sa ibang araw.
Makalipas ang isang buwan na walang nangyari sa usapan, saka na nagsumbong sa pulisya ang biktima nitong Oktubre 11.
Inimbestigahan ng awtoridad ang insidente at inihabla ang bantay.