Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagbibigay ng espesyal na mga pribilehiyo para sa mga naapektuhang miyembro, employer at healthcare facilities sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Paeng na nasa ilalim ng State of Calamity.
Ito ay bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na tulungan ang mga naapektuhan ng bagyo matapos ideklara niyang nasa State of Calamity ang Calabarzon, Bikol, Kanlurang Kabisayaan at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon sa PhilHealth, ang special privileges ay ibinibigay upang maseguro na tuloy-tuloy ang paggamit ng benepisyo at mabigyan ng tulong ang mga pasilidad na maisaayos ang kanilang health care system na nasira ng kalamidad.
Ang mga apektadong miyembro ay maaaring makagamit ng benepisyo kahit ubos na ang kanilang 45-day benefit limit at kung ma-admit sa ospital ng mababa sa 24 oras. Mayroon din silang exemption sa single period of confinement policy.
Pinahaba rin ang deadline ng pagbabayad para sa kontribusyon ng mga self-paying member at employer.
Sa kabilang banda, pinalawig din ang deadline ng pagsusumite ng claim documents ng mga naapektuhang health care facilities hanggang 120 araw, pagbabayad para sa mga referring at receiving health care institutions, maging sa pagsusumite ng mga reports.
Palalawigin din ang validity ng accreditation ng mga pasilidad at pagsusumite ng aplikasyon para sa accreditation ng PhilHealth. Tiniyak din ang reimbursement sa mga claims na nasira dahil sa bagyo.
Para makamtan ang special privileges na ito, ang mga naapektuhang health care providers ay kinakailangang magpadala ng letter of request sa PhilHealth Regional Office na nakakasakop sa kanilang pasilidad.