Wednesday, January 21, 2026

ALAMINOS CITY, MAS NAKIKILALA BILANG FILM SHOOTING SPOT

Mas lalong umangat sa pandaigdigang entablado ang Alaminos City matapos itong opisyal na maisama sa location catalogue na itinatampok sa mga pangunahing international film markets tulad ng Cannes Film Festival at Marché International du Film d’Animation (MIFA) sa France.

Sa pagkakasamang ito, kinilala ang Alaminos City bilang isang kapana-panabik at maaasahang shooting location para sa mga international films at television productions. Ang nasabing catalogue ay itinampok din sa Asian Contents & Film Market, na lalo pang nagpatibay sa presensya ng lungsod sa pandaigdigang industriya ng pelikula.

Dagdag pang patunay sa lumalawak na interes ng film industry sa lungsod ang isinagawang ocular visit ng FDCP-FLEX noong Hundred Islands Film Festival 2024 dito mismo sa Alaminos City. Isa itong mahalagang hakbang sa pagtukoy sa potensyal ng lungsod bilang sentro ng produksyon ng pelikula.

Lubos namang pinasalamatan ng lokal na pamahalaan ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa pagsama sa Alaminos City sa Philippine film map. Ayon sa mga opisyal, ang tagumpay na ito ay bunga ng matibay na ugnayan ng lokal at pambansang institusyon sa pagsusulong ng sining at pelikulang Pilipino.

Ipinagdiriwang naman ng Hundred Islands Film Festival (HIFF) ang milestone na ito bilang isang malaking hakbang patungo sa layuning gawing umusbong na film hub ang Alaminos City—isang lugar kung saan ang mga lokal na kuwento ay naihaharap sa pandaigdigang manonood. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments