Sa layuning patuloy na suportahan ang mga kabataang Alaminian sa kanilang pag-aaral, inanunsyo ng Alaminos City Government ang iskedyul ng pamamahagi ng scholars’ certificates at allowances para sa Category B scholars sa unang semestre ng taong panuruan 2025–2026.
Gaganapin ang aktibidad sa Don Leopoldo Sison Convention Center sa darating na Nobyembre 15 at 16, 2025. Ang mga iskolar na may apelyidong A hanggang H ay inaasahang dadalo sa Sabado, habang ang mga may apelyidong I hanggang Z naman ay sa Linggo.
Magsisimula ang rehistrasyon ganap na alas-7 ng umaga.
Ayon sa pamunuan ng Alaminos City Scholarship Program (ACSP), hinihikayat ang mga iskolar na dalhin ang mga kinakailangang dokumento kabilang ang:
Bagong Certificate of Scholarship (na ipagkakaloob sa registration area),
School ID o anumang balidong ID,
Official receipts o exam permits, at
Photocopy ng enrollment o registration form para sa unang semestre ng SY 2025–2026.
Para sa mga estudyanteng naka-enrol sa State Universities na walang available na exam permits o resibo, maaari silang magdala ng pinakahuling exam paper, proyekto o assignment bilang katunayan ng aktibong pag-aaral.
Kung hindi makakadalo ang mismong iskolar, maaaring tumanggap ng allowance ang magulang o legal guardian basta’t may authorization letter, valid IDs ng parehong magulang at iskolar na pirmado ng tatlong beses, at iba pang kinakailangang dokumento.
Sa pamamagitan ng programang ito, muling pinagtitibay ng Pamahalaang Lungsod ng Alaminos ang kanilang commitment na suportahan ang edukasyon at pangarap ng bawat kabataang Alaminian. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









