Nakibahagi ang Lokal na Pamahalaan ng Alaminos City sa paggunita ng National Day of Remembrance for Road Crash Victims, Survivors, and their Families na ipinagdiriwang mula Nobyembre 16 hanggang 21.
Bilang bahagi ng aktibidad, isang mataimtim na Banal na Misa at pagsindi ng kandila ang isinagawa ngayong araw.
Dinaluhan ito ng mga residente bilang pagpapakita ng pagkakaisa sa pagdadalamhati at bilang pag-alala sa mga nasawi sa mga insidente sa kalsada.
Sa seremonya, binigyang-diin ng pamahalaang lungsod ang patuloy na pagsusulong ng kaligtasan sa kalsada.
Ayon sa LGU, ang paggunita ay hindi lamang para alalahanin ang mga biktima kundi upang palakasin ang panawagan para sa responsableng pagmamaneho at mas maingat na paggamit ng kalsada.
Hinikayat din ng Alaminos City LGU ang publiko na makiisa sa layuning “Journey to Zero,” na naglalayong mabawasan at tuluyang maiwasan ang mga aksidenteng nagdudulot ng dalamhati sa mga pamilya at komunidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









