Thursday, January 15, 2026

ALAMINOS CITY, PINARANGALAN ANG PINAKAMATATAG NA BARANGAY SA DISASTER RESILIENCE 2025

Isang makabuluhan at matagumpay na seremonya ng pagkilala ang idinaos ng Pamahalaang Lungsod ng Alaminos sa paggawad ng Search for the Most Disaster Resilient Barangay 2025, bilang pagpupugay sa katatagan, kahandaan, at sama-samang pagkilos ng mga barangay sa lungsod.

Sa naturang awarding ceremony, buong pagmamalaking kinilala ang Barangay San Vicente bilang Kampeon, matapos maipamalas ang mataas na antas ng kahandaan at epektibong mekanismo sa disaster risk reduction. Ginawaran din ng pagkilala ang iba pang barangay na nagpakita ng natatanging pagsisikap at dedikasyon sa pagtataguyod ng kaligtasan ng kanilang komunidad: Barangay Tangcarang bilang 1st Runner-Up, Barangay Telbang bilang 2nd Runner-Up, Barangay Pocal-Pocal bilang 3rd Runner-Up, at Barangay Bued bilang 4th Runner-Up.

Bilang Keynote Speaker, kinilala ng Office of the Civil Defense Region I, ang mahalagang papel ng mga barangay sa pagtataguyod ng isang handa at matatag na lungsod. Ang kolektibong pagkilos at dedikasyon ng mga pamayanan ang nagsisilbing matibay na sandigan ng Alaminos City sa pagharap sa mga hamon ng kalamidad, at patunay na ang pagkakaisa ang susi sa epektibong disaster preparedness.

Sa kabuuan, ang Search for the Most Disaster Resilient Barangay 2025 ay nagsilbing patunay na sa pamamagitan ng pagkakaisa, maagap na paghahanda, at matibay na pamumuno, kayang harapin ng Lungsod ng Alaminos ang anumang hamon ng sakuna nang may kumpiyansa at lakas ng loob.

Facebook Comments