
Kinilala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region I ang Pamahalaang Lungsod ng Alaminos matapos nitong matanggap ang Notice of Compliance para sa Local Public Transport Route Plan (LPTRP) 2026–2030, isang mahalagang hakbang sa pagpapaunlad ng sistemang pampublikong transportasyon sa lungsod.
Ang pagkilalang ito ay bunga ng masusing paghahanda at koordinasyon ng lokal na pamahalaan katuwang ang Technical Working Group na bumuo at naglatag ng komprehensibong plano para sa mga ruta at operasyon ng pampublikong sasakyan sa lungsod.
Tinalakay sa pagpupulong ang epektibong pagpapatupad ng LPTRP at mga estratehiya upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko, kaligtasan ng mga pasahero, at episyenteng serbisyo ng transportasyon sa mga susunod na taon.
Ayon sa LTFRB, ang Notice of Compliance ay patunay na natugunan ng Lungsod ng Alaminos ang mga pamantayang itinakda ng Department of Transportation (DOTr). Inaasahang magsisilbi itong pundasyon ng isang makatao, organisado, at pangmatagalang sistema ng pampublikong transportasyon na tutugon sa pangangailangan ng lumalaking populasyon ng lungsod.
Sa patuloy na pagpapatupad ng LPTRP, layon ng pamahalaang lungsod na mapabuti ang kalidad ng serbisyo sa transportasyon at mapalakas ang kaayusan at kaunlaran para sa kapakanan ng bawat Alaminian. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










