Duda si Albay First District Representative Edcel Lagman na kapag natuloy ang economic Charter Change o kapag namuhunan na ang mga dayuhan sa bansa ay madagdagan na ang malilikhang trabaho, tataas ang sahod, bababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin at iba pa.
Ito’y dahil lahat aniya ng ito ay puro projections lamang at wala pang pag-aaral na inamin mismo sa pagpupulong nila sa House Committee of the Whole.
Sa ginanap na forum sa Club Filipino sa San Juan City sinabi ni Cong. Lagman na hindi rin aniya malulutas ng economic Cha-Cha ang problema sa edukasyon tulad ng kakulangan sa mga silid-aralan, learning materials, kalidad sa edukasyon lalo na ang malnutrition at maling curriculum.
Bukod dito, mas tataas pa aniya ang tuition fee sa mga paaralan kapagpinayagan ang mga dayuhan na mamuhunan dito.
Paliwanag pa ni Lagman, mas mainam na huwag nalang baguhin ang Saligang Batas at mas lutasin na lamang ang mga totoong problema ng taumbayan lalo na ang korapsyon sa gobyerno at ang pambu-bully ng China sa West Philippine Sea (WPS).