Kulang na kulang ang mga bakunang ipinadadala sa Albay.
Ito ang sinabi ngayon ni Albay Governor Al Francis Bichara kasunod nang apela nito sa national government na buhusan din sila ng mga bakuna kontra COVID-19.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Gov. Bichara na sa ngayon ay 6,000 mga bakuna pa lamang ang dumating sa kanilang lugar na hindi sasapat upang mabakunahan ang mga nasa priority list.
Ayon kay Bichara, sa kanilang talaan ay nasa 46,000 ang bilang ng mga nasa A1 hanggang A4 categories sa Albay.
Kaugnay nito, nananawagan ang opisyal sa National Task Force against COVID-19 lalo na kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na magpadala ng kahit 40,000 pang mga bakuna upang mabigyang proteksyon ang kanilang priority groups.
Ani Bichara, kapag nabakunahan ang mga nasa priority groups sa kanilang lugar ay maiiwasan ang local transmission ng virus at unti-unting bababa ang kaso sa Albay.
Sa ngayon, nananatiling nasa 1,958 ang aktibong kaso sa lugar.