Nagpasaklolo si Police General Oscar Albayalde sa kaniyang Cabalen na si Atty. Estelito Titong Mendoza.
Ito ay matapos ng mga umano’y paninira sa kaniya ng mga retired police generals sa nangyaring hearing sa Senado.
Sa mga larawan na nanggaling sa Office of the Chief PNP, makikita ang pakikipag-usap ni General Albayalde kay Atty. Mendoza.
Napag-usapan umano nila kung anu-anong mga kaso ang isasampa laban sa mga police generals na naglahad ng mga umano’y walang batayang testimonya sa hearing sa Senado.
Tinitiyak ng PNP chief na bago siya tuluyang magretiro sa serbisyo ay nasampahan na ang mga ito ng kaso.
Ilan sa mga heneral na nagdiin kay General Albayalde sa mga umano’y ninja cops sa Pampanga ay sina dating CIDG chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, PDEA Director General Aaron Aquino at retired General Rudy Lacadin.
Giit ni General Albayalde, na sa kabila ng mga testimonya ng mga ito ay wala silang naipakitang matibay na ebidensya na nagpatunay na siya ay nakinabang sa mga umano’y ninja cops.