Pinabulaanan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang naging alegasyon ng MAKABAYAN na may kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagiging atras-abante ng Kamara sa usapin ng franchise ng ABS-CBN.
Ayon kay Cayetano, walang sinasabi ang Pangulo na bigyan o huwag bigyan ng prangkisa ang giant network.
Katuwiran ni Cayetano, nais lamang ng pangulo na maging patas ang Kongreso pero wala itong naging utos sa mga kongresista.
Hindi aniya ugali ng presidente na makialam sa teritoryo ng may teritoryo katulad ng Kongreso.
Sa katunayan ay sisimulan na ng House Committee on Legislative Franchises ang pagdinig sa ABS-CBN franchise sa Martes, May 26, 2020.
Sa mga gagawing pagdinig ay ipapatawag at pagpapaliwanagin din ng Kamara ang Office of the Solicitor General (OSG) at ang National Telecommunications Commission (NTC).