Handa si Senate Minority Leader Koko Pimentel na paimbestigahan ang alegasyon ng katiwalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ito ay kung walang kahit anong ahensya ang seryosong magsisiyasat sa mga lumutang na katiwalian sa ahensya matapos na ibulgar at bawiin din ng dating opisyal na si Jeff Tumbado na tumatanggap ng suhol ang kanyang dating boss na si suspended LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III.
Ayon kay Pimentel, handa siyang maghain ng resolusyon para ipasilip ito sa Senado kahit pa nag-retract o binawi ng dating opisyal ang mga akusasyon sa LTFRB.
Pero sa ngayon, mag-aantabay muna siya sa hakbang na gagawin ng National Bureau of Investigation (NBI) na unang hiniling ni Transportation Secretary Jaime Bautista na mag-imbestiga.
Duda naman si Senator Grace Poe sa ginawang pagbawi ni Tumbado sa kanyang mga paratang sa LTFRB at sa Department of Transportaiton (DOTr).
Apela ni Poe na maimbestigahan kung bakit binawi ni Tumbado ang salaysay at sampahan ng kaso sakaling wala talagang basehan ang mga naunang bintang at alamin kung may nag-udyok sa kanya na bawiin ang mga naging alegasyon.