Mariing itinanggi ni Civil Service Commission (CSC) Chairperson Alicia dela Rosa-Bala ang alegasyon laban sa kaniya ni CSC Commissioner Aileen Lizada na ipinag-utos umano niya na huwag maglabas ng impormasyon sa mga hawak na kaso sa PhilHealth sa anumang uri ng imbestigasyon.
Sa nagpapatuloy na joint hearing ng Committees on Public Accounts at Good Government and Public Accountability kaugnay sa mga katiwalian sa PhilHealth, ay humarap si Bala sa mga kongresista at tahasang pinabulaanan ang mga akusasyon laban sa kaniya.
Iginiit ni Bala na wala siyang anumang direktiba, guidance o insinuations na harangin ang paglalabas ng impormasyon sa mga kaso ng PhilHealth.
Bukod dito, wala rin aniya silang nakabinbin na kaso ng PhilHealth officials na may kinalaman sa corruption issues at pawang administrative ang hawak nilang mga kaso sa ahensya.
Hindi naman na itinuloy ang pagpapalabas ng video ng “zoom meeting” ng CSC kung saan dito sinasabing ipinag-utos ni Bala ang hindi paglalabas ng impormasyon sa kaso ng PhilHealth.
Nagpapatuloy ngayon ang paggisa kay Bala partikular sa pag-apruba sa mga posisyon sa PhilHealth na walang malinaw na qualifications standards lalo na sa SVP for legal position ng ahensya.