Alegasyon ng pakikipagpulong ng smartmatic sa isang kandidato noong 2022 elections, iniimbestigahan na ng COMELEC

Iniimbestigahan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang alegasyon na isang kandidato noong 2022 elections ang nakipagpulong sa may-ari ng Smartmatic.

Sa budget deliberation para sa 2024 budget ng COMELEC ay paulit-ulit na binusisi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kung sinisilip na ba ng komisyon ang naturang report.

Ayon kay Senator Imee Marcos, ang sponsor ng COMELEC budget sa plenaryo, kasalukuyang iniimbestigahan pa ng COMELEC ang nasabing ulat kaya hindi pa nailalabas ang resulta ng imbestigasyon.


Aniya pa, sa dalawang paraan iniimbestigahan ng COMELEC ang insidente, una sa pamamagitan ng disqualification case na inihain laban sa Smartmatic at pangalawa sa itinalagang 12-man panel na nag-iimbestiga sa mga reklamo kaugnay sa eleksyon.

Sinita rin ni Pimentel ang COMELEC dahil hindi nito kilala kung sino ang nasa likod o main partner at iba ang personalidad na bumubuo sa Smartmatic.

Lumalabas lang ay ang pangalan na Cesar Flores na siyang Presidente ng Smartmatic pero hindi masagot ng COMELEC ang sinasabing may-ari na siyang bumisita sa bansa at nakipagpulong sa isang kandidato noong 2022.

Facebook Comments