Hindi totoo ang alegasyon ni presidential candidate Ka Leody de Guzman na siya ang target ng pamamaril sa isang plantation sa Quezon, Bukidnon kahapon.
Ito ay ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Col. Jean Fajardo, batay na rin sa ulat na natanggap niya mula sa Chief of Police ng Quezon Municipal Police Station at Bukidnon Provincial Director.
Nilinaw ni Fajardo na ang nangyaring pagpapaputok ng baril ay mga warning shot mula sa mga security guard ng isang pribadong plantasyon na tinangkang pasukin ng grupo ng mga katutubo.
Dito na aniya nagkaroon ng komosyon at nagtakbuhan ang mga katutubo kung saan nagkaroon ng minor injuries ang ilan sa kanila.
Ang isa aniyang inulat na sugatan ay dinala sa ospital pero hindi pa malinaw kung tama ng bala ang sanhi ng pagkasugat nito.
Batay aniya sa inisyal na imbestigasyon, bago lumusob ang mga katutubo, kausap nila ang grupo ni Ka Leody kaugnay sa kanilang pag-aangkin sa lupain ng plantasyon.
Sinabi pa ni Fajardo, una na aniyang nag-usap ang mga katutubo at ang may-ari ng plantasyon na hintayin ang resolusyon ng mga awtoridad sa kaso ng lupa pero maaaring may humimok sa mga katutubo na lusubin ang plantasyon.