Iginiit ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na walang batayan ang mga alegasyong hindi nanlaban at pagtatanim ng ebidensya laban sa kanila matapos mapatay sa ikinasang operasyon ng mga otoridad sa CALABARZON ang siyam na aktibista.
Ayon kay PNP Spokesperson Brig. Gen. Idebrandi Usana, ang mga pulis na nagsagawa ng mga operasyon ay sumailalim sa briefing para maging payapa ang pagsisilbi ng search warrants sa mga nasawi.
Pero sinanay rin daw ang mga pulis na ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa oras na magkaroon ng unlawful aggression o panlalaban sa kanilang operasyon.
Magkagayunpaman, ayon kay Usana, magsasagawa na ang PNP Internal Affairs Service ng motu propio investigation sa mga ikinasang police operations para matukoy kung may paglabag.
Una nang iginiit ng PNP na lehitimo lahat ang kanilang ikinasang operasyon dahil may search warrants silang hawak mula sa iba’t ibang korte laban sa mga naging target ng police operations.