Iginiit ni National Telecommunications Commission (NTC) Deputy Commissioner Edgar Cabarios na hindi ‘midnight deal’ ang pagbibigay ng mga dating frequencies ng ABS-CBN sa ilang media companies na kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Cabarios na dumaan ito sa due process bago napagdesisyunan nilang ibigay ito sa mga bagong may-ari.
Dagdag pa nito, hindi pabor sa publiko ang pagkatengga ng mga naturang frequencies kung saan mahigit isang taon na itong hindi nagagamit.
Matatandaang ibinigay ang mga frequencies ng ABS-CBN kung saan napunta sa Advanced Media Broadcasting System na hawak ni dating senador Manny Villar ang analog TV channel 2 at digital TV channel 16.
Nakuha naman ng Aliw Broadcasting Corporation ang digital TV channel 23 habang napunta ang digital TV channel 43 sa Swara Sug Media Corporation na hawak naman ni Pastor Apollo Quiboloy na siyang spiritual adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte.