Iginiit ni Sta. Rosa, Laguna Representative Dan Fernandez na unfair at hindi totoo ang akusasyon ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang nasa likod ng Quad Committee na siyang nag-iimbestiga sa illegal drugs, Philippine Offshore Gaming Operators o POGO at extra-judicial killings.
Diin ni Fernandez, hindi kayang diktahan at utusan ni Romualdez ang nasa 300 miyembro ng Kamara para gamitin sa layuning pampulitika.
Sabi ni Fernandez, nauna ng inimbestigahan ng magkakahiwalay ng Committee on Human Rights, Committee on Dangerous Drugs at ng pinamumunuan niyang Committee on Public Order and Safety ang nabanggit na mga isyu.
Binanggit ni Ferdinand, na noon pa man ay naisipan na nila nina Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers at Manila Representative Bienvenido Abante Jr., na pagsamahin ang imbestigasyon nilang ginagawa dahil magkakaugnay.
Hanggang sa isulong ito ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Representative Aurelio “Dong” Gonzales Jr., na inaprubahan naman ng mga kongresista.
Nilinaw din ni Fernandez na hindi nila niluluto ang mga testimonya at ebidensya sa pagdinig at hindi rin nila dinidiktahan ang kanilang mga testigo at resource person dahil kusang loob silang nagsasalita lalo na ang mga nakikipagtulungan sa kanilang imbestigasyon.