Iniimbestigahan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang umano’y nangyaring strip search sa mga dalaw ng mga political prisoner sa Manila District Jail Annex 4 sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Nauna rito, dumulog sa Public Assistance and Complaints Desk ng Commission on Human Rights ang isang Bona Fides Lucania.
Batay sa kaniyang reklamo, nagtungo siya sa naturang jail facility noong January 8, 2023 para bisitahin ang kaniyang nakakulong na ama.
Pinapasok umano siya sa isang kuwarto na wala man lang kurtina o takip kung saan ipinahubad umano ang kaniyang pang itaas na damit para matiyak umano na walang nakatago sa kaniya na iligal na kontrabando.
Ayon sa CHR, nakakabahala ang ganitong proseso ng body search.
Sa isang pahayag, sinabi ni Jail Chief Inspector Jayrex Bustinera, hindi nila kukunsintihin ang mga pang-aabuso sa paghawak sa mga dalaw ng mga Person Deprived of Liberty (PDL).
Giit ni Bustinera, mayroon silang sinusunod na protocols sa lahat ng jail facilities.
Lahat aniya ay umaalinsunod sa standard policies at procedures sa pag-inspeksyon sa mga pumapasok na bisita sa kanilang jail facilities upang matiyak na hindi sila malulusutan ng iligal na kontrabando.