Alejano, bumwelta sa mga paratang sa kanila ni Aguirre

Manila, Philippines – Inakusahan ni Magdalo Rep. Gary Alejano si Justice Sec. Vitaliano Aguirre na naninira ng reputasyon at nagpapakalat ng kasinungalingan laban sa kanila.

Bunsod ito ng pahayag ni Aguirre na sina Alejano, Sen. Antonio Trillanes at dating Political Adviser Ronald Llamas ay nakipagpulong noong Mayo 2 sa mga taga Marawi, ilang Linggo bago pumutok ang krisis sa lugar matapos atakihin ng Maute group.

Sinasabi ng kalihim na bahagi ng destabilization plot laban sa Duterte administration ang gulo ngayon sa Marawi kung saan isinasabit ang tatlo.


Paliwanag ni Alejano, malabong siya’y nasa Marawi noong Mayo a dos dahil siya ay dumalo ng press conference kasama ang Magnificent 7 at umatend din ng sesyon pagkahapon.

Matagal na panahon na aniya ng mabisita niya ang Marawi at hindi siya nakipagpulong kina Trillanes at Llamas.

Pawang gawa-gawa lamang ni Aguirre ang mga paratang laban sa kanila na sa halip katotohanan ay ito pa ang pasimuno ng kasinungalingan.

Tinawag din na iresponsable ni Alejano ang mga pahayag ni Aguirre dahil bilang government official ay dapat vinavalidate muna nito ang impormasyon bago isapubliko.

Paalala ni Alejano kay Aguirre na ang Magdalo ay kumakatawan sa mga dati at retiradong miyembro ng AFP at hindi kailanman nila susuportahan ang anumang terroristic acts.
DZXL558

Facebook Comments