Alert Level 3 sa Gaza, inirekomenda ng embahada ng Pilipinas sa Amman, Jordan

Nagrekomenda ng embahada ng Pilipinas sa Amman, Jordan na magpatupad na ng Alert Level 3 sa Gaza.

Ang embassy ng Pilipinas sa Amman, Jordan ang nakasasakop sa Gaza kung saan nakatira 137 na mga Pilipino na nakapangasawa na ng mga Palestinian.

Sa bilang ng mga Pilipinong ito, 38 ay nagpahayag na ng interes na umuwi sa Pilipinas.


Ang ibig sabihin nito ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Usec. Eduardo de Vega ay Alert Level 3 o voluntary repatriation ang paiiralin.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni De Vega na sa kabila na wala pang tugon dito si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., siniguro nito na handa ang pamahalaan na iuwi rito sa Pilpinas ang mga Pilipinong naghayag ng interes na makauwi.

Pero sinabi ni De Vega na sa ngayon ay malaki pa rin ang hamon sa kanila kung papano ito gagawin dahil walang airport at port sa Gaza.

Kaya nakikipag-ugnayan na aniya sila sa mga counterpart natin sa Amman, Jordan at Cairo, Egypt para sa mga aksyong gagawin dahil idadaan ito sa diplomatic initiatives.

Aniya, posibleng gawing exit point ang Israel patungong Egypt kaya gwardiyado na aniya ang lugar na ito para sa inihahandang repatriation operation.

Aminado naman si De vega na hindi siya makapagsabi kung kailan makapagpapatupad repatriation, depende pa rin aniya ito sa magiging sitwasyon sa Gaza sa mga susunod na araw.

Ayon pa sa opisyal na bukod sa Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration, nagtatrabaho rin ang iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of National Defense, Department of Social Welfare and Development, Department of Labor and Employment, Technical Education and Skills Development Authority at iba pa para tiyakin ang seguridad at proteksyon ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Gaza.

Kinumpirma naman ni De Vega na walang naitatalang casualties ng mga Pilipino sa Gaza.

Facebook Comments