Alert Level 4 sa Bulkang Mayon, posible – PHIVOLCS

Malaki ang posibilidad na itaas sa Alert Level 4 ang Bulkang Mayon sa mga susunod na oras dahil sa mga nakikitang mabilis na aktibidad nito.

Ito ang inihayag ni Dir. Teresito Bacolcol, Officer-in-Charge ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Laging Handa public briefing.

Ayon sa opisyal, ilan sa kanilang palatandaan na dapat nang itaas sa alerto ang bulkan ay ang pagtaas ng ibinubugang asupre, paglabas ng mahabang lava flow, mayroong volcanic earthquakes, namamaga ang gilid ng bulkan at nakararanas ng minor explosions.


Kahapon lang ay itinaas sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon dahil sa mga aktibidad nito.

Sinabi ni Bacolcol, kapag itinaas sa Alert Level 4 ang Bulkang Mayon, lalawak din ang permanent danger zone nito na mula sa kasalukuyang 6 kilometers permanent danger zone ay magiging 8 kilometers.

Ibig sabihin nito kailangan lumikas ang mga residenteng nasa 8 kilometers permanent danger zone dahil malaki ang posibilidad na pumutok ito.

Taong 2018 ayon kay Bacolcol nang unang ipinatupad ang 8 kilometers permanent danger zone sa Bulkang Mayon.

Una nang inihayag ng Palasyo ng Malacañang na nakabantay sila sa posibleng pagputok ng Bulkang Mayon at pinatutukan sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno ang kaligtasan ng mga residenteng nakatira malapit dito.

Facebook Comments