Alert Level 4 sa Myanmar, itinaas ng DFA dahil sa lumalalang kaso ng COVID-19

Itinaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang antas ng alerto para sa Myanmar sa Alert Level 4 dahil sa lumalalang sitwasyon at upang matiyak na rin ang kaligtasan at kapakanan ng mga natitirang Pilipino sa Myanmar.

Sa ilalim ng Alert Level 4, mahigpit na inirekomenda ng DFA na lisanin o iwan na ng mga Pilipino ang Myanmar sa lalong madaling panahon, dahil ang healthcare system ng bansa ay malapit nang maabot ang maximum capacity at maaaring hindi makapagbigay ng sapat na atensiyong medikal sa mga Pilipinong nagkakasakit sa mga darating na linggo.

Ayon sa DFA, maaaring makipag-ugnayan ang mga Pilipino sa Embahada ng Pilipinas sa Myanmar para sa planong evacuation flight.


Paliwanag ng DFA na hindi papayagang bumalik sa Myanmar habang nananatili ang Alert Level 4 para na rin sa kaligtasan ng mga Pilipino sa Mynmar.

Dagdag pa ng DFA na habang naghihintay na mailikas, pinayuhan ng kagawaran ang mga Pilipino na mag-ingat, at umalis lamang ng kanilang tirahan kung talagang kinakailangan tulad ng pagbili ng pagkain at iba pang supplies.

Pinayuhan din ang mga Pilipino sa Myanmar na regular na makipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas sa Yangon para sa mga karagdagang impormasyon at kapag nasa labas, i-practice ang physical distancing, at huwag kalimutan na magsuot ng face mask at regular na maghugas ng kamay para na rin sa kanilang kaligtasan.

Facebook Comments