Palalawigin na sa unang araw ng Disyembre ang Alert level system sa buong bansa.
Sa press conference sa Malakanyang, sinabi ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa ngayon ay naglagay na sila ng schedule sa lahat ng rehiyon sa bansa kung saan ipatutupad narin ang Alert Level system.
Aniya, ilalabas ng Department of Health (DOH) ang listahan ng mga rehiyon na magpapatupad narin ng Alert level system simula sa susunod na linggo hanggang sa matapos ang bwan ng Nobyembre at sa Disyembre ay full implementation na ng Alert level system sa bansa.
Paliwanag pa ni Dr. Vergeire, ikinonsidera nila dito ang pagiging matagumpay ng pilot implementation ng Alert level system sa Metro Manila.
Noong ipinatupad kasi ito sa National Capital Region (NCR) ay nakita namang bumaba ang kaso ng COVID-19 maging ang health care utilization rate.
Ito aniya ang basehan kung bakit ito ipatutupad na sa buong Pilipinas.
Samantala, tiniyak naman ng Palasyo na kokonsultahin muna nila ang Local Government Units (LGUs) na nakatakdang magpatupad narin ng Alert level system.