Alerto ng PNP itataas sa full alert status simula sa Lunes paghahanda para sa Undas

Itataas ng Philippine National Police ang Full Alert Status sa darating na Lunes bilang paghahanda para sa papalapit na paggunita ng tradisyunal na Undas.

 

Ayon kay PNP Spokesman P/BGen. Bernard Banac, tatlumpu’t limang libong mga pulis ang kanilang ipakakalat sa buong bansa upang tiyakin ang seguridad partikular na sa mga terminal ng bus, paliparan, pantalan, pamilihan, simbahan, sementeryo at iba pa.

 

Bukod sa mga ipinakalat na pulis isandaang libong force multipliers na binubuo ng mga barangay tanod, bantay bayan at medical volunteers gayundin ang Fire and Rescue ang tutulong sa pagtiyak ng mahigpit na seguridad.


 

Umaapela naman ang PNP sa publiko na hangga’t maaari ay huwag magsuot ng mga mamahaling alahas o di kaya’y magdala ng malaking halaga ng salapi sa kanilang pagbiyahe patungo sa mga lalawigan at mga sementeryo.

 

May mga ilalagay ring mga Police Assistance Desk at ipakakalat na mga Road Marshalls sa mga pangunahing kalsada sa bansa para magbigay alalay sa mga biyahero’t motorista sa sandaling kailanganin ng mga ito ng tulong.

Facebook Comments