Alice Guo at Shiela Guo, lumalabas na “fake sisters”

Inamin ni Shiela Guo na hindi sila tunay na magkapatid ni Alice Guo, ang dating alkalde ng Bamban, Tarlac.

Sa pagdinig ng Senado, nilinaw ni Senate Committee on Women Chairperson Risa Hontiveros na kung magkaano-ano si Shiela at si Alice at ang tugon ni Shiela hindi niya tunay na tatay si Jian Zhong Guo o Angelito Guo.

Ayon kay Shiela, nasa China ang kanyang tunay na ama at pinapunta siya rito sa Pilipinas ng kanyang kinikilalang daddy para tumulong sa negosyo.


Aniya pa, ibinigay lamang din sa kanya ng kanyang kinikilalang ama ang pasaporte at ito ay gagamitin lamang para sa travel at sa iba pang paggagamitan.

Hindi rin aniya totoo na dito siya sa Pilipinas ipinanganak at sa China talaga siya nanggaling.

Samantala, nagbabala si Senator Joel Villanueva kay Shiela matapos malaman na nasa pag-iingat pala palagi ni Alice ang pasaporte nito na posibleng magamit sa mga iligal na gawain, dito naman inamin ni Shiela na sadyang mahina ang kanyang loob at may mga bagay aniya siyang hindi na lang inaalam.

Sa kabilang banda, hindi na naitago ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang pagkainis kay Shiela Guo dahil sa tingin ng senador ay nagsisinungaling ito sa pagdinig lalo na sa usapin ng pagtakas nito sa Pilipinas.

Naniniwala si Dela Rosa na hindi nagsasabi ng totoo si Shiela na hindi man lamang ito nagtatanong sa pupuntahan nila at nagbabala na huwag silang lolokohin na mga senador.

Facebook Comments