Umaasa si Senate Majority Leader Francis Tolentino na marami pang ibubunyag si dismissed Bamban Mayor Alice Guo sa mga nalalaman nito tungkol sa operasyon ng mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa susunod na pagsalang nito sa executive session.
Naniniwala si Tolentino na nakausad kahit papaano ang imbestigasyon ng Senado matapos na magsagawa ng executive session ang mga senador kasama si Guo.
Ayon kay Tolentino, ang pagpayag ni Guo na magkaroon ng executive session at ihayag ang mga impormasyon na hindi nalantad sa public hearing ay senyales ng pagbibigay respeto sa Senado.
Tiwala ang senador na mas marami pang sasabihin si Guo lalo pa sa kondisyon niya ngayon na kung saan natutulog na lamang ito sa plywood dahil may mga surot ang kanyang higaan sa loob ng kulungan gayundin ang sitwasyon ng kalusugan ng sinibak na alkalde.
Dagdag pa ni Tolentino, kalmado at diretsahan ang pagsagot ni Guo sa kanilang mga senador habang naka-executive session at ito’y bunsod na rin ng pagkawala ng tensyon sa paligid nito at nakita naman niyang iginagalang ng mga senador ang kanyang karapatan.