Dumating na sa Pilipinas si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ala-1:10 kaninang madaling araw nang lumapag sa Royal Star Hangar sa Villamor Airbase sa Pasay City ang sinakyang chartered flight ni Guo.
Bagama’t iniharap sa media, tumanggi si Guo na magsalita dahil wala aniya ang presensya ng kanyang abogado.
Hindi rin niya pinagbigyan ang request ng media na alisin ang kanyang face mask.
Samantala, ayon kay DILG Sec. Benhur Abalos, binigyan sila ng ultimatum ng Indonesian government na pakakawalan si Guo kapag hindi agad ito sinundo.
“So dahil sa panahon na ‘yon, agad tayong naghanap ng eroplano kasi… hindi tayo aabot sa mga flight. May kaibigan ako na nagpahiram ng eroplano para magawa ito sa mas madaling paraan kasi hahabulin natin yung ala unang sinasabi. At inuulit ko ni singko walang ginastos ang pamahalaan dito,” saad ni Abalos.
Personal na sinundo nina Abalos at PNP Chief Police General Rommel Marbil si Guo sa Indonesia matapos itong maaresto sa Tangerang City noong Miyerkules.
Kinumpirma naman ni Guo na nagpasaklolo siya kay DILG Sec. Benhur Abalos dahil sa natatanggap na death threats.
Pagkatapos ng press conference, dinala na sa Camp Crame sa Quezon City si Guo para doon magpalipas ng magdamag.
Ngayong araw, ibabiyahe siya pa-Tarlac kasunod ng inilabas na arrest warrant ng korte para sa kasong graft.
Oras na makapagpiyansa, ite-turnover na si Guo sa Senado.