Alice Guo, pinatawan ng contempt ng House Quad Committee

Pinatawan ng contempt ng House Quad Committee si dating Bamban Mayor Alice Guo.

Bunsod nito ay makikipag-ugnayan ang House Sergeant-at-Arms sa Philippine National Police (PNP) kung ibabalik pa sa PNP custodial center si Guo o maaari nang manatili sa detention facility ng Kamara kung saan namamalagi rin si Cassandra Li Ong.

Isinulong ito ni Abang Lingkod Party-list Representative Joseph Stephen Paduano dahil sa umano’y pagsisinungaling ni Guo sa tunay na dahilan ng hindi nito paglalagak ng piyansa na P180,000.


Sa tingin ni Paduano, nag-i-enjoy si Guo sa PNP Custodial Center.

Nagbanta pa si Paduano na kukwestyunin sa korte kung bakit ito nakaditine sa PNP custodial gayong kwestyonable ang citizenship nito kaya hindi dapat mabigyan ng prebilihiyo na manatili sa custodial center.

Paliwanag naman ni Guo, hindi siya naglalagak ng piyansa dahil inaantay pa niya ang iba pang mga kaso na posibleng isampa laban sa kanya at aantabayanin na lang din niyang mabawi ang pag-contempt sa kanya ng Kamara at Senado.

Facebook Comments