Muling lumutang ang posibilidad na maging “state witness” si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo laban sa mga indibidwal na sangkot sa iligal na operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Ayon kay Senator JV Ejercito, kung ibubulgar ni Guo kung sino ang “mastermind” o pinakapinuno ng mga sindikatong sangkot sa iligal na mga operasyon ng POGO ay maaaring maging “state witness” ang sinibak na alkalde.
Sinabi ng senador na sa kanyang pagkakaalam ay magiging state witness lamang kung siya ang maituturing na “least guilty” sa krimen at kung maituturo ni Guo ang “most guilty” sa illegal POGO activities.
Pero ito ay depende pa aniya sa magiging appreciation ng mga awtoridad at ng mga ahensya at depende rin sa magiging pagtingin ng Department of Justice o DOJ.
Magkagayunman, sinabi ni Ejercito na hindi dapat balewalain ang posibilidad na si Guo ay isang ahente ng China dahil sa ipinapakita nitong kilos at magaling umiwas sa mga ibinabatong tanong ng mga senador.
Inaasahang magkakaroon muli ng executive session ang Senado dahil naging maikli lamang ang closed-door hearing na nangyari kahapon at inaabangan nila ang iba pang ibubulgar ni Guo.