Nagsanib puwersa ang tambalang ALIF Party-list sa pangunguna ni Rogelio Villangca at Bulacan vice-gubernatorial candidate Salvador ‘Bogs’ Violago, para isulong ang tapat na pamamahala makaraang isagawa ang proclamation rally na ginanap sa Malolos City hall ground nitong Sabado.
Ang naturang rally ay dinaluhan ng tinatayang 10,000 lider na nagmula sa 21 munispyo at 3 lungsod ng Bulacan, nanumpa sila na puspusang ikakampanya ang tambalang ALIF – Bogs.
Ayon kay ALIF first nominee Rogelio Villangca, ang pagsasanib nila ng grupo ni Bogs Violago ay tinatayang makabubuo ng mas malapad na makinarya at malakas na kampanya para itaguyod ang mga batayang pangangailangan ng mamamayan.
“Magkatuwang kaming kikilos at isusulong ang common development agenda, upang makamit ang makabuluhang pagbabago para ordinaryong mamamayan sa lalawigan ng Bulacan, gayundin upang makapag-ambag sa pambansang ekonomiya, saad ni Villangca.
Ipinangako naman ni Violago na kanyang susuriin ang pondo ng lalawigan upang tiyaking maayos ang paggamit nito, lalo’t higit sa usapin ng ayuda at tulong medikal. “Bibili ako ng 24 mobile clinic para ilaan ito sa mga munisipyo at siyudad ng Bulacan at kapag may sakuna ay lagi nating ihahanda ang kaukulang pondo para sa disaster preparedness and mitigation”, saad niya.
Nasasaad sa Seksyon 21 ng RA 10121 na dapat ilaan ng pamahalaang lokal ang may limang porsyento (5%) ng kanyang regular revenue para sa Local Disaster Risk Reduction and Management Fund upang tustusan ang mga aktibidad sa pamamahala sa panganib, sa kalamidad tulad ng pre-disaster preparedness programs kabilang na ang pagsasanay at pagbili ng mga kagamitan sa pagsagip at pagliligtas ng buhay.
Mababatid na tuwing nagkakaroon ng malakas na bagyo ay palaging apektado ng pagbaha ang mga bayan ng Paombong, Hagonoy, Guiguinto, Balagtas at Marilao.