Hindi naaalarma ang Malacañang sa mga ulat na ang mga Pilipinong kabilang sa class D at E ay may alinlangang magpabakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi nila ikinababahala ito lalo na at hindi pa naman sapat ang bakuna para maturukan ang lahat ng tao.
Pero tiwala si Roque na mawawala rin ang vaccine hesitancy kapag marami na ang nabakunahan.
Pinalalakas din ng pamahalaan ang information drive para sa COVID-19 vaccines.
Sa halip na herd immunity, sinabi ng Department of Health (DOH) na target ngayon sa bansa ang “population protection” bago ang katapusan ng taon.
Ang herd immunity ay target mabakunahan ang 70 hanggang 80-porsyento ng populasyon habang ang ‘population protection’ ay pagbabakuna sa mga taong mabilis kapiutan ng sakit o nagpapakita ng severe symptoms.