Sa ginanap na flag-raising ceremony nitong Lunes, inanunsyo ni Pasig City Mayor Vico Sotto na sasailalim sa programang professional development ang lahat ng traffic enforcers sa naturang siyudad.
Ayon kay Sotto, tuturuan ang mga tinaguriang “blue boys” ng tamang pakikipag-usap sa mga motorista at mga dagdag kaalaman tungkol sa batas trapiko.
“Alam nating lahat kung gaano ka notorious ang mga Pasig TPMO o “Blue Boys”. Aminin natin na marami pa rin sa kanila ang tiwali o kulang sa kasanayan”, pahayag ng batang lider sa kanyang Facebook post.
Aniya, magsisimula ang training sa darating na Miyerkules, Hulyo 31.
Lingid sa kaalaman ng nakararami, karamihan ng mga enforcers sa lungsod ay kontraktuwal at mababa ang sahod.
Kaya naman tiniyak ni Sotto na magiging permanente sila kapag maganda ang performance sa trabaho.
Para sa mga mananatiling pasaway, isang babala ang binitiwan ng alkalde.
“Sa kabilang dako… Lalong lalo na sa mga nangongotong — #goodbye. Ngayon pa lang ay may 6 enforcers na tayong kakasuhan ng admin complaint. May 2 din naaresto ng ating PNP”, saad ni Sotto.
Magugunitang samu’t-saring reklamo ang ibinabato ng mga motorista sa mga “blue boys” dahil sa pagiging tiwali at walang alam sa traffic rules and regulations.
Facebook Comments