Manila, Philippines – Sa layuning mawala ang agam-agam at takot ng mga magulang na nabakunahan ang mga anak ng dengue vaccine na Dengvaxia.
Masusing minomonitor ngayon ng Department of Education ang kalagayan ng mga estudyanteng sumailalim sa nasabing dengue vaccination program.
Sa pamamagitan ng DepEd Memorandum No. 199 na nilagdaan ni DepEd Sec Leonor Briones masusing imomonitor ng ahensya katuwang ang Department of Health, Department of Local and Interior Government sa pamamagitan ng mga local government units ang kondisyon ng mga estudyanteng nabakunahan ng Dengvaxia partikular sa National Capital Region (NCR), Regions 3, 4A, at 7.
Sa ilalim ng naturang DepEd Memorandum, inaatasan ang lahat ng school administrators at school health personnel na muling balikan at pag aralan ang kanilang master list ng mga estudyanteng nabigyan ng Dengvaxia.
Pinapayuhan din ang mga magulang na makiisa sa mga ikinakasang forum hinggil sa vaccine program at information drive kontra dengue sa kanilang komunidad .
Bagamat sentro ng monitoring & surveillance ang NCR, Regions 3, 4a at 7 hinihikayat din ng DepEd ang school health personnel mula sa iba pang rehiyon sa Pilipinas na mahigpit na imonitor ang kondisyon ng mga nabakunahan ng Dengvaxia.