Alkalde ng Cauayan City, Nadismaya sa ‘Di Pagsunod sa Paglikas ng Ilang Residente

Cauayan City, Isabela- Ikinadismaya ng alkalde ng Lungsod ng Cauayan ang hindi pagsunod ng ilang Cauayeño sa pre-emptive evacuation habang nananalasa ang Bagyong Ulysses sa bansa na nagdulot ng matinding pagbaha sa Lambak ng Cagayan.

Sa public address ni City Mayor Bernard Dy, base aniya sa kanyang pag-iikot kahapon kasama ang ibang mga opisyal sa mga barangay na naapektuhan ng baha, marami aniya ang mga hindi lumikas at nanatili na lamang sa bubong ng kanilang bahay.

Kanyang sinabi na hindi ito nagkulang kasama ang mga barangay disaster risk reduction management council na magbigay ng paalala sa mga residente na malapit sa mga ilog at sa mga nasa mababang lugar na lumikas at magtungo sa mga evacuation centers.


Ilan kasi sa mga naging dahilan ng ilang naapektuhan ng pagbaha na mas gugustuhing hindi na magtungo sa evacuation center para mabantayan ang kanilang mga gamit at bahay.

Karamihan din sa mga residente ay hindi inasahan ang mabilis na pag-apaw ng tubig baha kaya’t hindi na agad nakaalis ng bahay at nanatili na lamang sa mataas na bahagi ng kanilang bahay.

Ipinunto naman ng alkalde na mas mahalaga pa rin ang buhay kaysa sa mga kagamitan.

Gayunman, nagpapasalamat naman ang alkalde sa lahat ng mga rescuers at tumulong sa pagsagip sa mga nangangailangan ng tulong at dahil sa walang naitalang namatay o casualty sa Lungsod sa pananalasa ng malawakang baha.

Magsilbi rin aniya sanang aral ang nangyari ngayon at mapaghandaan pa lalo ang mga susunod na bagyo.

Facebook Comments