Alkalde ng QC, umapela sa DSWD na huwag nang pahirapan ang mga residente sa pagkuha ng kanilang tulong pinansiyal

Nakiusap si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpakita ng kahabagan at huwag pahirapan ang mga residente sa lungsod sa pagkuha ng pinansiyal na tulong sa ilalim ng ikalawang tranche ng Social Amelioration Program (SAP).

Kasunod ito ng ulat na natanggap ng alkalde na pati bedridden ay pinilit na papuntahin sa payout site para lang sa verification.

Paliwanag ni Belmonte, ang pamamahagi ng ikalawang tranche ng SAP para sa 27,051 mga waitlisted beneficiary ay nagsimula nitong nakalipas na araw sa 82 na barangay ng lungsod.


Ilan sa mga naging problema ay ang pagiging limitado ng bilang ng mga tauhan ng DSWD na namamahala sa pagbabayad.

Dagdag pa ng alkalde, may ilang barangay rin ang nag-ulat na hindi kinikilala ng DSWD ang barangay ID at hinihingan pa na magsumite ang residente ng residential certificate at kung anu-ano pang dokumento.

Katwiran ni Belmonte, dapat hindi na sila pinahihirapan dahil sila rin ang nasa listahan na nakatanggap sa unang tranche ng SAP noon.

Facebook Comments