Cauayan City, Isabela- Nakaalerto ngayon ang hanay ng PNP Ramon, Isabela matapos na pagbantaang papatayin ng mga nagpakilalang miyembro ng New People’s Army ang alkalde ng naturang bayan sa pamamagitan ng kanilang pag-post sa social media.
Ayon kay PCapt. Abdel Aziz Maximo, hepe ng pulisya, inalerto na nito ang kanyang tropa matapos na matanggap ang report at kasalukuyan nang tinetrace kung sino ang nag-post sa social media na pagbabanta kay Mayor Jesus Laddaran.
Ayon sa Hepe, hindi gawain ng tunay na NPA na ipaalam sa social media kung mayroong target na papatayin dahil direkta aniyang sumusulat ang mga ito sa puntiryang tao.
Base sa post ng Facebook account ng nagngangalang Dominador Apayao, binabalaan nito ang mga residente ng Ramon na lumayo sa alkalde dahil lulusubin at papasabugin ang munisipyo upang mapatay si Mayor Laddaran dahil sa di umano’y pang-aagaw nito ng lupa sa mga tribong Ifugao.
Giit ng Hepe, posible na may mga taong matindi ang galit sa alkalde at ginamit lamang ang pagiging NPA upang takutin ang punong bayan.
Gayunman, tiniyak ng kanyang pamunuan na hindi magtatagumpay ang sinumang nagbabalak ng naturang pagpapasabog at nakipag-ugnayan na rin ang kanilang hanay sa pamunuan ng 95th Infantry Battalion na may sakop ng naturang bayan kaugnay sa naturang isyu.