Magsasagawa ng pag-iinspeksyon mamayang alas-onse ng umaga ng mga operasyon ng tricycle si San Juan City Mayor Francis Zamora upang matiyak na nasusunod ang mahigpit nilang tagubilin na ipatupad ang social distancing.
Ayon kay Mayor Zamora, magsasagawa siya ng on-site inspection sa unang araw ng pagbabalik-operasyon simula nang ipinagbabawal na bumiyahe ang pampublikong transportasyon habang ipinatutupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Paliwanag ng alkalde, ang naturang pag-iinspeksyon ay gagawin niya upang matiyak na ang lahat ng drivers, operators at Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) ay sumusunod sa guidelines na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) at ng City Government ng San Juan.
Dagdag pa ni Mayor Zamora, bago pahintulutang pumasada sa lansangan ang mga tricycle driver, dapat tiyaking mayroon silang health pass na nakalagay na tumalima sila sa San Juan City Health Office (CHO) at ng San Juan Tricycle Regulatory Board.
Giit ng alkalde na ang health pass ay dapat nakasuot sa lahat ng oras bilang ID ng mga tricycle dahil libre naman ito at walang babayaran.
Inoobliga rin sila ng lokal na pamahalaan na magsuot ng face masks, mag-disinfect ng kanilang tricycle, maglagay ng plastic divider sa pagitan ng driver at pasahero, at kinakailangang magtalaga rin sila ng Safety Protocol Officers sa kanilang mga terminals para matiyak na nasusunod ang panuntunan sa lahat ng oras dahil ito’y isang precautionary measures laban sa pagkalat ng COVID-19.