Buong bansa, kabilang na ang lalawigan ng Pangasinan at siyudad ng Dagupan ay kaisa sa May 2018 Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na kung saan ay ikinasa ng Commission on Elections o COMELEC ang mano-manong Sistema o pamamaraan ng pagboto.
Ayon sa COMELEC Spokesperson na si James Jimenez, nakaimprenta ng kulay pula ang mga balota para sa SK, habang itim naman para sa barangay. Aniya, kinakailangang isulat ng mga botante ang mga pangalan ng kanilang napupusuang kandidato para iluklok sa posisyon.
Maaaring alyas o palayaw ang ilagay ng mga botante subalit ito ay dapat na naaayon sa ini-specify na “nickname” ng bawat kandidato sa kani-kanilang mga COCs. Kung sakaling hindi na nakapagsusulat ng maayos ang mga botante ay maaari itong magpatulong sa kanilang “assistor” na pwedeng kamag-anak o election officer ng presintong kanilang kinabibilangan.
Tiniyak naman ng COMELEC, kabahagi na ang COMELEC Pangasinan at Dagupan ang katiyakan o kasiguraduhan ng maayos, organisado, patas, at tapat na eleksyon sa kabila ng proseso nito.
Ulat ni Melody Dawn C. Valenton