Alan Peter Cayetano wagi bilang House Speaker; Tito Sotto nanatiling Senate President

Sa pagbubukas ng 18th Congress ngayong araw, opisyal nang idineklarang House Speaker si Taguig City Representative Alan Peter Cayetano, matapos i-endorso ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bago maganap ang botohan sa plenaryo, nagpulong sina Duterte at Cayetano para ayusin ang desisyon ng mga kongresista.

Naging nominado din sa posisyon ng House Speaker si Manila 6th District Representative Benny Abante Jr.


Nagkamit ng 266 boto mula sa 297 representate si Cayetano samantalang 28 na boto lamang si Abante.

Sa naging rekomendasyon ni Duterte, magkakaroon ng term-sharing o hatian sa termino sina Cayetano at Marinduque Congressman Lord Allan Velasco.

Kamakailan, kumalat ang kuro-kurong muling mauulit ang “kudeta” sa liderato ng Kongreso. Matatandaang nangyari ito noong nakaraang taon kina Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo at Davao del Norte Congressman Pantaleon Alvarez.

Kasabay nito, nahalal ulit bilang Senate President si Sen. Vicente ‘Tito’ Sotto III.

Walang nakalaban si Sotto sa puwesto.

Naganap ang botohan sa pamamagitan ng viva voce or sabay-sabay sasabihin ng mga senador kung sino ang kanilang binoto.

Ang mga senador na hindi nakaboto ay sina Sen. Leila de Lima na kasalukuyang nakakulong at si Sen. Manny Pacquiao na hindi pa nakakauwi matapos ang laban kay Keith Thurman kahapon.

Facebook Comments