Naglaan ang pamahalaan ng 20 bilyong piso para sa allowances at COVID-19 compensation package ng mga health workers para sa susunod na taon.
Bahagi ito ng budget message ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara ngayong araw.
Bukod dito, sinabi ng pangulo na mayroon pang 18 bilyong pisong inilaan ang gobyerno para sa National Health Workforce Support System.
Layunin nitong palakasin ang healthcare workforce at itaas ang kakayahan nila para sa deployment sa iba’t ibang liblib na lugar para ilapit sa maraming Pilipino ang healthcare services ng pamahalaan.
Nakasaad din sa budget message ng pangulo na may pangangailangang mag re-focus ng health priorities ang bansa at i-apply ang mga aral na natutunan noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19 para akma ang mga pagtugon sa kahinaan sa healthcare system ng bansa.
Matatandaang pangako ni PBBM sa kaniyang nagdaang State of the Nation Address (SONA) na babayaran ang kaukulang benepisyo ng mga healthcare workers.