Manila, Philippines – Kinondena ng grupong Makabayan sa Kamara ang alok na reward na 100,000 sa bawat mahuhuli o mapapatay na myembro ng NPA o kaya ay Islamist Militant Group.
Nababahala si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na posibleng pagkakitaan ito ng pwersa ng gobyerno dahil sa alok na reward.
Aniya, delikado ang pahayag na ito ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año dahil makakahikayat ang pagbibigay ng reward sa mga pulis o sundalo na pumatay na lamang ng kahit sinong mapaghihinalaang NPA o terorista kapalit ng malaking halaga.
Bukod sa maaaring mauwi ito sa ‘money making scheme’, ikinaalarma ng mambabatas ang pagtaas pa lalo ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Para naman kay Anakpawis PL Rep. Ariel Casilao, tiyak na madalas na mabibiktima ng mala-tokhang na paraan sa anti-insurgency campaign na ito ay ang mga inosenteng mahihirap, mga aktibista at mga katutubo na basta na lamang ituturong rebelde o terorista.
Hindi anila makakatulong ito sa paglaban ng pamahalaan sa rebelyon dahil ginawa na ang pagbibigay ng reward noong panahon pa ng Aquino administration pero hindi ito naging epektibo.